Wednesday, December 22, 2010

Pasko ng Pinoy

Ang Pasko ng Pinoy ay masasabi nating natatangi sa buong mundo bilang may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko na kung saan ang mga awit pangpasko ay naririnig mula Setyembre hanggang sa sumunod na taon sa araw ng Pista ng Epifanio (Araw ng pagdating ng Tatlong Mago/Hari).

Kapag sumasapit na ang panahon ng Pasko, halos lahat ay masaya mula sa pinakabata at hangang sa pinaka matanda ng pamilya. Pati nga ang panahon ay nakikisama dahil sa lamig ng simoy ng hangin lalo na sa gabi. May nagsasabi nga na sana sa buong taon ay Pasko para ang lahat ay masaya at nagbibigayan.

Ang lahat ay aligaga sa paghahanda ng araw ng pasko. Dito sa aming bayan buhay na buhay ang bayanihan at pagkakaisa kapag malapit na ang Pasko. Baket ba naman hindi, Oktobre pa lang nag-iisip na ang mga taga-rito kung anong ayos ang gagawin sa darating na Pasko. Halos dito na ko inubo noon ng matagal dahil sa magdamagang pagpapaganda ng aming kalye.Ganun pa man sulit ang lahat ng pagod, kasi napapasaya namin ang mga taong nagdaraan at nakakakita ng aming ginawa para sa Pasko.

Misa de gallo

Hindi lang iyon, pagsapit na ng simbang gabi (misa de gallo) Bilang kinaugalian, ang pagdiriwang ng Pasko ng Pinoy ay nagsisimula sa siyam na araw na misa tuwing alas-4 ng madaling araw mula Disyembre 16. Madaling araw pa lang may bandang paparada at tutugtog upang magtawag ng mga parokyano para magsimba. Halos dun ko lang nakikita na napupuno ng husto ang aming simbahan sa panahon ng Pasko. At pagkatapos ng misa, madadaanan mo sa iyong pag-uwi ang mga nagtitinda ng puto bumbong na may masarap at mainit na tsa-a (tea). Hay! nakakamiss ang ganitong tagpo sa ating bayan.


Bisperas ng Pasko


Pagsapit ng alas-10;ng gabi ng bisperas ng Pasko, nagsisimba ang lahat ng miyembro ng pamilya para sa huling Simbang Gabi bilang pasasalamat sa biyayang binigay sa nagdaang taon at para ipagdiwang ang kaarawan ni Jesus. Ang mga Pinoy, tulad ng ibang nagdidiwang ng Pasko sa buong mundo, ay nagsasalo pagsapit ng alas-12;ng hating-gabi sa tradisyonal na Noche Buena. Ang tipikal na handang Pilipino ay ang queso de bola (English: edam cheese), inuming tsokolate, hamon de bola (English: Christmas ham), at ibang handa na impluwensya ng Kanluran (Spaghetti, Macaroni) at Silangan (Lumpiang Shanghai, Pancit). Pagkatapos ng kainan ay binubuksan na ang mga regalo.

Sa ilang probinsya sa Pilipinas ay may prosisyon bago ang huling Simbang Gabi. Sinasadula nila ang panunuluyan ni Jose at Birheng Maria hanggang makita ang sabsaban.

Naalala ko pa noong bata pa ako, kung saan pinaniniwalaan na magbibigay na ng regalo si Santa Claus sa desperas ng gabi ng pasko. Kaya naman maaga pa lang bago kami matulog, kanya-kanya na kami magpipinsan na hanapan ng pagsasabitan ng aming naglalakihang mga medyas. At pagkagising namin sa umaga, una agad namin gagawin ay tignan kung anu ang binigay na regalo sa amin ni Santa Claus. Minsan, may pinsan pa ko na di nalagyan ng regalo ang medyas na kanyang sinabit kasi di daw nakita ni Santa kasi ba naman nasa likod ng t.v. sinabit. Nakakatuwa alalahanin.


Araw ng Pasko



Ang araw ng Pasko ay tradisyonal na gawaing pampamilya sa Pinas. Ang misa sa umaga pagkatapos ng huling Simbang Gabi ay tinatawag na Misa de Aguinaldo.

Pagkatapos ng misa, ang mga pamilyang Pinoy ay bumibisita sa kanilang mga kamag-anak, ang iba sa mga ninong at ninang. Sinisimulan ito sa pagmamano bilang respeto sabay ng pag-abot ng regalo na kadalasan ay mga bagong pera na galing sa sentral bank. Pagkatapos nito ay nagsasalo ang buong angkan sa tradisyonal na tanghalian. Sa hapon, ang ibang pamilya ay umuuwi na o pumunta sa pampublikong lugar tulad ng parke, mall, sinehan at tabing dagat.

Ganyan kasaya pinagdiriwang ng mga Pinoy ang panahon ng kapaskohan sa Pinas, Masaya, lahat ay may ngiti sa labi, di mo masasabing naghihirap at maraming problema ang mga Pinoy sa ganitong panahon. Sapagkat ito rin ay panahon ng pagbibigayan at pamamahalan sa bawat puso ng bawat isang Pinoy kahit saan man sulok ng bansa at sa ibang panig ng mundo na may Pinoy.

Tuesday, December 21, 2010

Sinaunang Pinoy

Bago pa dumating ang mga Espanyol noon ang mga Pinoy ay sibilidado na may sariling kultura , paniniwala at batas na sinusunod. Maraming nagsasabi lalu na ang Kastila ng bago sila dumating sa Pinas ang mga pinoy daw ay mamang, walang alam at walang pakikisama. Gaano ba ito katotoo? Kaw bilang Pinoy papayag ka ba sa paniniwala ng mga dayuhan?

Maraming patunay na ito ay makatotohanan. Ang Pinoy bago pa man dumating ang mga Kastila ay may sarili nang paraan ng pamumuhay. Sila ay naghahanapbuhay, may sariling gobyerno, stratipikasyon ,relihiyon, at kultura. Nagkakaroon rin sila ng relasyon sa ibang  panig ng Asya partikular na ang Tsina.

Ang hanapbuhay noong panahon bago dumating ang Kastila ay ang depende kung saan nakatira ang mga tao. Kung ang tao’y taga-bundok, ang karaniwan nilang hanapbuhay ay pagtatanim o kaingin. Kapag naman malapit sa dagat ay nangingisda, boatbuilding, o pearl diving.

Karaniwan sa mga Pinoy noong panahon na iyon ay ginugrupo sila sa isang baranggay. Ang baranggay ay pinamumunuan ng mga Datu. Mula 30 hanggang 100 daan pamilya ang nasa baranggay. May sarili rin silang batas na ipinapatupad ng datu o kaya ng konseho ng matatanda.

Sa isang baranggay, and datu ang pinakamataas at pinakamakapangyarihan sa lipunan. Sunod ang Maharlika o mga mayayaman at tumtayo ring mga tagapagtanggol ng baranggay. Ang timawa ang pangatlo. Sila ang malayang tao. Ang pinakamababa naman ang mga alipin na may dalawang klase. Ang aliping namamahay na may sariling kaanak, tahanan at naglilinkod lang kung kailang siya kailangan ng kanyang may-ari. Samantala, ang aliping sagigilid naman ay walang sariling pagmamay-ari. Nagiging alipin ang isang tao dahil naipit siya sa paglalaban ng dalawang baranngay o kaya’y dahil sa pagkautang.

Ang sinasamba ng sinaunang Pinoy ay ang kalikasan o relihiyong anoismo. Naniniwala rin sila kay Bathalang Maykapal o kaya’y Apo na kinukonsidera nilang diyos. Ang mga anito rin at mga diwata ay kanila ring pinaniniwalaan. Ang babaylan naman ang kanilang priestess o kaya’y spiritual doctor.

May mga katibayan din sa pagkaartistiko ng sinaunang Pinoy. Ito ay mapapatunayan sa labi ng kanilang kagamitan at sandata. Mahilig ding magsulat ang mga Pinoy patunay nito ang 10000 epico na kanilang naisulat. Sa pamamagitan ng baybayain ang unang alpabeto ng mga Pinoy ay ipinapakita nila ang galing sa panitikan.

Isa sa malaking ebidensya sa pagiging sibilisado ay ang mga tala ng Intsik na pumupunta sa Pilipinas upang makipagpalitan ng mga gamit. Dalawa sa pinakapinwiwinalaan ay ang Chu Fan Chih at Tao-I-Chi-Lioh. Ang karaniwang pinpalit ng mga Tsino ay porcelain, ginto, at mga alahas. Ang Pinoy naman ay bulak, perlas at mga spices.

Hinding-hindi makakaila na may sarili ng paraan ng pamumuhay ay mga Pinoy bago pa man sakupin ng mga Kastila. Kaya ikaw ay magtataka, kung hindi dumating ang mga Kastila, ay ano kaya ang maari nangyari sa sa mga Pinoy? Hindi man natin maisasagot iyan ay dapat nating isipin na ang Pinoy ay likas na palakaibigan, masipag at sibilidado.

Unang Tao sa Pinas

Ayon sa natutunan natin sa isang mababang pambuklikong paaralang elementarya ni Juan, isang dayuhang kano ang nagsaliksik at nagsabi kung sino ang mga naunang tao na namuhay sa ating bayang tinubuan. Sa masalimuot na pag-aaral ni Propesor H. Otley Berey isang Antropologo, kanyang natuklasan na may tatlong pangkat ng tao na dumating mahal nating Pilipinas.

Sa resulta ng kanyang pag-aaral ang naunang tao na nanirahan sa pinas ay ang mga Negrito o Ita, kung minsan tinatawag silang mga "pygmy o pigmi" ibig sabihin mga maliliit na tao. Na hindi pangkaraniwang laki ng mga pinoy. Kaya pala hindi nakakapagtaka kung baket meron tayo naging pandak na pangulo. Paliwanag pa nya, nanggaling daw ang mga Negrito sa Borneo at naglakad lamang sa tulay na lupa, kahanga-hanga di ba? Karagradagang inpormasyon sa kanila, maliban sa pandak ay maitim pa at pango ang ilong at makapal ang kanilang mga labi at kulot na kulot ang itm nilang mga buhok. Namumuhay pa rin sila sa pamamagitan ng pangangaso, pangingisda, at pagtitinda ng mga produktong mula sa kagubatan. Matatagpuan sila sa mga panloob na bahagi ng Luzon, Panay, at mga pulo sa Mindanaw.

Ang sumunod naman daw na pangkat ng tao na dumating ay mga Indones  na nahahati sa dalawa bahagi. Kaya siguro hangang ngayon hindi pa rin magkasundo-sundo ang kapwa pinoy dahil sa dalawang pangkat na ito. Sa unang bahagi ay Indones na dumating ay nanggaling sa Timog-silangang Asya. Maputi ang kanilang balat, balingkinitan ang katawan, makitid ang hugis ng mukhang may malapad na noo, may kalaliman ang mata ngunit matangos ang mga ilong. Mas makabago ang kanilang kalinangan kung ihahambing sa mga Negrito. Nagtayo sila ng mga bahay na may-hukay sa lupa o nasa tuktok ng mga puno. Marunong silang pumana, mangisda, magkaingin at niluluto nila ang kanilang mga pagkain. Pinaniniwalaang ninuno sila ng mga Ilongot ng Sierra Madre at ng Caraballo.

Kaiba naman ang pangalawang pangkat ng mga Indones kabaliktaran naman ang kanilang anyo sa unang Indones na dumating. sapagkat maitim ang kanilang balat, malapad ang mukha, makapal ang labi, malaki ang panga, malaki ang ilong, bilugan ang mga mata at malaki ang mga katawan. Nagmula sila sa tangway ng Indo-Tsina at Gitnang Asya, at tumira sa mga baybay ng Luzon. Mas maunlad ang kanilang pamumuhay kaysa naunang pangkat. Pinaniniwalaang sila ang gumawa ng Hagdan-hagdang Palayan ng Banawe. Buti na lang dito sila nanirahan sa Pinas kundi di natin masasaksihan ang kanilang pamana sa ating lahi sa norte.

Ang huling bugso ng mga unang tao nanirahan dito ay ang mga Malay. (malay ko, malay mo, malay nya, malay nating lahat! pero hindi ito Malaysia) Mga  Malay ay tawag sa pangkat etnikong Awstronesyo, ibig sabihin ay isang pangkat ng mga tao sa  na nagsasalita o may mga ninunong nagsasalita ng isa sa mga wikang Awstronesyo sa Oceania at Timog-Silangang Asya. (Ang lalim nun, basta intindihin mo na lang.) Sa Bansa natin sila ang mga ninuno ng mga naging Bisaya, Tagalog, Ilokano, Moro, Bikolano, Kampampangan, mga Panggasinense, Ifugao, at iba pa.Tumira sila sa Pilipinas ng 100 hangang 200 na taon. Ang mga armas nila ay itak, kris, balaraw at lantaka. 

Ngayon sa simpleng panimula kung saan at sino ang mga naunang tao sa Pinas makikita na natin kung bakit may kanya-kanya tayong kultura, pag-uugali at paniniwala sa bawat lugar at rehiyon ng ating inang bansa.

Pinoy Kasi Tayo!

Sino nga ba ang Pinoy? baligtad nga ba talaga ang pag-iisip ng Pinoy? Teka Pinoy ka ba o nagpapanggap ka lamang na Pinoy? Anu nga ba ang nababalot sa puso, isipan, atay, balun-balunan, bato at apdo ng Pinoy?

Halina tuklasin natin ang mahiwagang mundo ng Pinoy sa pamamagitan ng blog site na ito. Handa ka na ba? ako handa na! PINOY KASI TAYO!